History
HISTORY OF THE CHURCH OF LUMBANG
Ang Bayan ng Lumban, ay minsan naging sentro ng lahat ng gawaing misyonero sa lalawigan ng Laguna noong panahon ng Kastila. Ang kristianismo sa bayan ng Lumban, ay nag simula noong Si P. Juan de Placencia ay namuno noong 1578. Muling nagtayo ng simbahan na yari naman sa kahoy na syang bahagi rin ng Brgy. Wawa, ngunit ito ay natupok ng apoy ng magkaroon ng sunog. Noong 1586, ang kura paroko na si Padre Pedro Bautista na lumaon ay naging santo ay humingi ng pahintulot sa Gobernador-Heneral na magtayo ng simbahang bato. Noong ika-22 ng Setyembre 1590, ang bayang ito ay itinatag at nabigyan ng pangalan. Ang pook ay magubat at maraming punongkahoy na Lumbang kung tawagin, na kung saan ay pinagkukunan ng langis at kahoy. Simula noong 1590 hanggang 1598 nang gawin at itindig ang unang simbahang bato sa Laguna at unang simbahang Franciscano na yari sa bato sa labas ng Maynila. Sang-ayon sa mga ulat, at mga aklat na sinulat ng pantas na paring Franciscano na si P. Felix Huertas, ang Lumban na sakop ng lalawigan ng Laguna ay ang pinakamatandang bayan dito sa ating lalawigan. Ayon pa sa mga kasulatan, ang Lumban ay matatandaan bilang lugar ng pagpapasinaya ng unang tabernakulo sa labas ng Intramuros ng Maynila.
Dito rin unang naganap ang kauna-unahang prusisyon ng Kabanal-banalang Sakramento sa Pilipinas. kung saan mayroong 44 na misyonaryong Fransiscano at Agustino ang dumalo. Nang ika - 9 ng Oktubre ay naganap ang marangyang prusisyon na nilahukan ng may 20 pendon (banner) na siyang palatandaan ng 20 bayan na nakiisa sa kapistahan. Ang mga manunugtog at mga koro ng mga bayan ng Sta. Ana ng Sapa (Sta. Ana, Manila), Pangil, Nagcarlan, Pila at Lumban ay tinipon at hinati sa apat na koro upang umawit sa prusisyon. Ang malaking pagtitipon na ito ay dinaluhan ng mahigit na 30,000 katao.
Noong 1606, sa pamumuno ni Padre Juan de Sta. Marta OFM, ay nagtayo ng pangrehiyong paaralan na binubuo ng 400 na mga batang lalaki. Tinuran ang mga kabataang lalaki na karamihan ay katutubong Lumban, ng Himnong Liturhikal at pag-gamit ng mga instrumento. Ito rin ay naging bahay pahingahan ng mga may sakit na misyonerong Franciscano na itinatag noon ring 1906 hanggang 1916. Sa kadahilang ang Lumban ay kauna-unahang layon misyon ng mga Franciscano, kung kayat si San Francisco ng Asisi ang ang hinirang maging patron ng bayan. Ngunit noong ika - labing walong (18) siglo inampon ng bayan si San Sebastian Martir bilang isang santong patron kung saan ipinangalan ang parokya.
Nang sakupin ng mga Amerikano ang simbahan, nabuo ang orihinal na anyo nito at naging isa sa malaking batong simbahan sa probinsya. At isang monumento sa harap ng simbahan ang pinatayo ni Padre Francisco noong 1873. Mayroon din bakuran na yari sa bato ang naka paligid sa simbahan, subalit ipinatibag ni Padre Hilario de Guzman noong 1910. Ang simbahan ang napinsala ng lubos noong panahon ng hapon at noong 1947, ito ay nasalanta ng bagyo. At isinaayos ni Padre Senen Encarnation.
Noong 1988, ang kapilya ng Perpetual Eucharistic Adoration (PEA) ay itinayo sa dating lugar na pinagbibinyagan na kung saan ang iba't ibang samahan pang simbahan at taong bayan ay may kanya kanyang oras ng pagtanod. Ang malaking bahagi ng kumbento ay ginawang Cursillo House, sumunod ay naging Sorrowful at Immaculate Heart Seminary at kinalaunan ay ginamit ng Holy Face Congregation. Sa ngayon, ang simbahan ay nasa pamamahala ng Missionaries of Faith Congregation.
Celebration of the 500 Years of Christianity in the Philippines
2013- Ang Taon ng Pananampalataya
Taong 2013, ginanap ang pagdiriwang ng "Taon ng Pananampalataya" bilang paghahanda sa pagdiriwang ng ika-500 taong anibersaryo ng pagdating ng Kristiyanismo sa Bansa. Ginanap dito sa bayan ang isang pagdiriwang kung saan pinangunahan ng Lub. Kgg. Buenaventura M. Famadico, D.D. ang isang Banal na Misa sa sinundan ng isang Eukaristikong Prusisyon sa ilog patungo sa bayan ng Pagsanjan na pinangunahan ng noo'y Kura Paroko, Reb. P. Renato C. Bron, MF. Ang pagdiriwang ay dinaluhan ng mga Paring Relihiyoso at Diyosesano.
Enero 2021- Ang Muling Pagdiriwang ng Tradisyunal na Misang Latin.
Isang Tradisyunal na Misang Latin ang ginanap sa Parokya ng San Sebastian Martir noong ika-19 ng Enero 2021, bisperas ng Kapistahan ng Bayan, at bilang paghahanda para sa ika-500 taong anibersaryo ng Kristiyanismo sa Bansa. Bago ang Misa isinagawa ang pagninilay sa mga Misteryo ng Banal na Rosaryo ng Mahal na Birhen sa wikang Latin sa saliw ng tradisyunal na Rosario Cantado. Ang nasabing pagdiriwang ay pinangunahan ng Komitiba para sa Piyesta 2021.
Ang Misa ay inialay ni Reb. P. Philip Ma. Gorecho, OATH, kasama ang mga semenarista ng Two Hearts Community na dinaluhan din ng mga pangulo at mga piling miyembro ng iba't ibang samahang pang-simbahan, kung saan ang mga dumalo ay nakasuot ng mga tradisyunal na kasuotan na yari ng mga magbuburda ng Lumban. Nagbigay rin ng komunyon si Reb. P. Edilberto Mesias, MF, LPT; Kura Paroko, at Reb. P. Linus Sarte, M.F.
Mayo 2021- Ang Pagsisimula ng Pagdiriwang.
Bilang pagtanaw sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas, ang parokya ng San Sebastian, Lumban ay itinalaga bilang isa sa mga "Jubilee Churches" ng ating Diyosesis. Noong ika-9 ng Mayo taong 2021, maringal na isinagawa ang pagtatalaga ng bagong altar at Simbahan at pagbubukas ng pintuan ng Hubileyo ng Parokya ng San Sebastian Martir na pinangunahan ng Bikaryo-Heneral at isa rin paring Lumbeño na si Reb. P. Rico de Luna, JCL.
Ang seremonya ay nagsimula sa Sakristiya patungo sa pintuan ng Hubileyo, pagkatapos mabuksan at mabasbasan ang pintuan ng Hubileyo ang mga kaparian ay nagtungo sa baptisterio ng Parokya na ngayon ay kinalalagakan ng Banal na Sakramento, kung saan nagsindi ng kandila at nag-usal ng panalangin. Sinundan ito ng Liturhiya ng Salita na sinundan ng Pagtatalaga ng bagong altar at ng Simbahan, ginanap ang pag-aalay ng candelabras at mga bulaklak, paglalagay ng mantel sa altar, pagsisindi at paglalagay ng mga kandila sa mga krus ng pagtatalaga na ginampanan ng mga piling tao, matapos ang rito ng pagtatalaga ay sinunod na ang Liturhiya ng Eukaristiya.
Kasama sa pagdiriwang sina Reb. P. Ricardo Basquiñez, M.F, Reb. P. Renato Bron, M.F, Reb. P. Sonny Arcilla, M.F, Reb. P. Elorde Demetillo, M.F at ng Kura Paroko, Reb. P. Edilberto Mesias, M.F at kasamang Pari, Reb. P. Linus Sarte, M.F.